Ang Aking Paglaki Kasama ang Wika

         Apat na taong gulang ako noong matuto akong magsulat ng aking pangalan, kasabay na din nito ang pagbibigkas ng mga letra at pagbabasa ng mga hindi komplikadong mga salita. Naaalala ko pa noon na si lola ang nagtuturo sa aking sumulat at bumasa. Pareho kasing naghahanap-buhay ang aking mga magulang kaya hindi nila ako natuturuan. Limang taong gulang naman ako unang nag-aral. Dahil sa kagustuhan ng aking mga magulang na makatipid, preparatori agad ang aking pinasukan. Hindi pa naman kasi uso ang K to 12 noon.

           Mas lalung nahubog ang aking kaalaman sa ating wika at sa wikang banyaga, sa katunayan nga mas una kong natutunan ang pagbigkas ng ABC kaysa sa ABAKADA. Mas lalu pang napadali ang pagkabisa ko ng abc sapagkat mayroon itong kanta samantalang ang Abakada ay wala. Naaalala ko din noon na hindi kami palalabasin ng aming guro hangga't hindi namin natatapos ang pasulat ng aming pangalan sa papel at matapos naming gawin iyon ay tatatakan ng markang hugis tala ang aming mga kamay. Pag-uwi ko sa aming tahanan, masaya ko itong ipapakita kay lola. Nakikita ko rin ang galak sa kanyang mga mata matapos ko itong ipakita.

          Noong mga panahong iyon ay naging paborito kong asignatura ang Filipino, para sa akin, ito ang pinaka madali sapagkat ito naman ang ginagamit naming salita sa aming tahanan. Naging masigasig ako sa pag-aaral, at dahil dito naging pinakamahusay ako sa Filipino.

           Sa aking paglaki, mas lumawak din ang aking kaalaman sa pagsusulat at pagbabasa. Naging komplikado rin ang mga ito habang tumatagal, hindi na ako humihingi ng tulong kay lola. Kapag nahihirapan ako, sa diksyonaryo at internet ako dumedepende. Habang tumatagal ay parang nauupos na kandila ang aking kaalaman sa ating wika. Palagi kong sinasabi sa aking sarili na hindi naman kailangan ang Filipino, ang kailangan ay magaling ka sa Ingles. Naalala ko pa noon noong ako ay maghahayskul, kailangan kong makakuha ng markang hindi bababa sa 85 sa mga asignaturang matematika, siyensya at ingles. Sa minor subjects naman katulad ng Filipino ay 83 lamang para makakuha ng exam sa Marikina Science High School. Sa mga panahong ito tumatak sa aking isipan na hindi naman mahalaga ang Filipino.

           Naalala ko noong pinagdasal ako ng aming guro sa Filipino, nagdasal ako ng Ama Namin, habang nagdarasal ay bigla akong napatigil sapagkat nakalimutan ko ang mga susunod na linya, mabuti na lamang at itinuloy ito ng aming guro. Nakakahiyang isipin na ako ay isang Filipino pero nakalimutan ko ang ilang linya ng Ama Namin, samantalang kapag Our Father naman ay swabeng swabe lang ang aking pagdarasal.

           Sa pagdaan ng panahon ay napagtanto ko na masyado na akong nakadepende sa Ingles, mas pinapahalagahan ko ito kaysa sa sariling wika sapagkat namulat ako na ang magpapaunlad sa akin ay ang salitang banyaga. Ito ang wika na kailangan at pinapahalagahan sa ibang bansa. Nag-aaral pa nga ang mga banyaga sa ating bansa upang matutunan lamang ito.

           Ngayon ko lang napagninilaynilayan na mali ang aking mga pananaw sa buhay na ang wikang Ingles ang magpapaunlad sa akin, ako ay isang Filipino na nakatira sa Filipinas. Ang tanging makapagpapaunlad sa akin ay ang aking sariling wikang Filipino, hindi ko rin naman dapat kalimutan ang salitang banyaga sapagkat kailangan pa rin naman ito kahit papaano. Marahil, kailangan lang baguhin ang mentalidad ng mga tao ng sa gayon ay mapaunlad pa natin ang ating sariling wika at kasabay nito ang pag-unlad nating mga Filipino.

2 comments:

  1. I'm only one call away I'll be there to save the day superman got nothing on me I'm only one call away I want you to stay never go away from me

    ReplyDelete
  2. I'm only one call away I'll be there to save the day superman got nothing on me I'm only one call away I want you to stay never go away from me

    ReplyDelete