Tuloy pa din ang Buhay

"Ang Sinematograpiya at Disenyong Biswal ng Sineng Nunal sa Tubig"


Ang litratong ito ay pagmamay-ari ni Jojo de Vera

     Nagbubukas ng ating kamalayan ang sinematograpiya at disenyong biswal ng sineng Nunal sa Tubig. Ipinapakita nito ang iba’t ibang isyu tungkol sa  kapiligiran, sa pagkakaibigan, ang pagkalimot ng gobyerno sa maliliit na isla sa ating bansa, kahirapan at isyu ng pagpaplano ng pamilya. Hindi mo aakalain na ang pelikulang ito ay ipinalabas pa noong 1976. Lahat kasi ng mga isyung tinalakay dito ay napapanahon.

     Sa simula palang ng pelikula, mayroon ng isyu sa kapiligiran, ang malakas na pag-ulan, makikita sa pelikula na nagmamadali ang mga tao sa pagkuha ng kanilang mga sampay sa labasan. Mayroon ding fish kill sa lugar, kawalan ng oxygen ang dahilan nito kaya nangangamatay ang mga isda. Nakapalibot na kasi ang mga pabrika sa Laguna de Bay. Ang mga  toxic waste na nilalabas ng mga ito ay tinatapon lamang dito. Sinasabing ito ang una at ang pinaka seryosong pelikula na nagpakita ng nakakalunos na pamumumuhay ng mga maliliit na mangingisda sa Laguna Lake.

     Sabi nga ni Gerry Albert Corpuz: “Ishmael Bernal made the film in bold but in creative way of presenting the people’s strong criticism against the development in Laguna Lake—using film as a medium to express people’s disenfranchisement on what the Marcos dictatorship did to Laguna Lake.”

     Noong panahon kasi ni Marcos, naisipan nito na ipa-auction ang 90,000 hektarya ng Laguna Lake sa mga dayuhang namumuhunan. Hindi man lamang nito naisip na mawawalan ng kabuhayan ang 18,000 maliliit na mangingisda at 75,000 pamilya na umaasa sa pangingisda sa kanilang araw-araw na pamumuhay. 
Ang litratong ito ay pagmamay-ari ni Jojo de Vera

     Sa pagkakaibigan naman nagyayari talaga ang sulutan, magkaibigan si Chedeng at Maria, si Chedeng ang nobya ni Benjamin. Nag-aral si Chedeng ng midwifery sa bayan at habang wala siya, nagkaroon ng relasyon ang kanyang kaibigan na si Maria at ang kanyang nobyo na si Benjamin. Nabuntis ni Benjamin si Maria. At si Chedeng na rin ang nagpaanak sa kanya, napaisip naman ang mga manonood kung pinatay ba talaga ni Chedeng ang sanggol upang makaganti sa ginawa nilang kasamaan. 

     Sa pelikulang ito, makikita mo talaga ang pagkalimot ng gobyerno sa maliliit na lugar. Hindi na nabibigyang pansin ang edukasyon at pangkalusugang pangangaylangan ng mga tao rito. Nilalayo na nga nila ang kanilang sarili sa gobyerno sapagkat alam din naman nila na walang matutulong ang mga ito sa kanila. Dumadalaw lang naman kasi ang mga pulitiko sa kanilang lugar kapag malapit na ang eleksiyon. Panay sabi ng mga pangako na pinapako lang din naman.

     Kitang kita din ang isyu ng kahirapan dito. Sabi nga nila ang mga mayaman ay lalung nagpapayaman at ang mga mahihirap ay lalung naghihirap. Sa islang ito, makikita talaga ang lubos na kahirapan ng mga tao. Lahat ay nagbabanat ng buto at mayroon din namang nais makaahon dito.

     Makikita sa pelikula na hilot lamang ang nagpapaanak sa mga ina. Sa unang kita mo pa lamang nito, masasabi mo na na talagang kailangan na ang RH Bill. Kulang na kulang kasi ang pasilidad para sa mga inang manganganak sa lugar na iyon. Salat din sa edukasyong pangkalusugan ang mga tao dito. 

     Maraming nagsasabi na parang bitin ang pelikula, ngunit hindi naman talaga. Nasanay lang kasi tayo na laging may plot o balangkas ang isang pelikula. Naging matagumpay ang sinematograpiya at disenyong biswal ng sineng Nunal sa Tubig. Ipinapahayag nito na kahit mahirap ang buhay, maraming mga pangyayaring di inaasahan, at kung minsa’y magulo, ang mundo ay patuloy pa rin sa pag-ikot hindi ito titigil para sa iyo. Mayroong namamatay at mayroon din namang mabubuhay at kung hindi ka makikisabay sa pag-ikot, mapagiiwanan ka. Kaya dapat, kahit makaranas man ng kahirapan o kaguluhan, tuloy pa din ang buhay, magisip at makibahagi para sa kaunlaran. 

No comments:

Post a Comment