Ang Hindi naman Bagyong si Habagat

     Nilamon ng kadiliman ang paligid. Ang ulan ay tila maraming batong walang humpay na tinatapon sa aming bubungan. Rumaragasa na parang mga kabayong nangangarera ang tubig sa mga pangunahing ilog sa Metro Manila. Kakabog-kabog naman ang mga puso ng mga taong nakatira malapit sa ilog. Walang ibang mapanood sa telebisyon kundi ang walang humpay na pagbabalita ng mga istasyon. Halos dumikit naman ang aking mga mata rito sa paghihintay na ianunsyong walang pasok.

     Tumalon ang aking puso sa kasiyahan noong malaman ko na walang pasok dahil sa patuloy na pag-ulan. Pumunta ako sa kwarto, nahiga at natulog muli na parang mantika. Sa aking paggising walang humpay pa rin ang pag-ulan na inabot na ng siyam-siyam. Ninais namin ng aking ina na lumabas ng bahay para makadaupang palad namin ang baha sa labasan at silayan ang ilog. Pagtapak ng aking paa sa lupa, nilamon agad ito ng malamig na tubig na abot hanggang sakong. Habang kami ay naglalakad, nararamdaman ko na niyayakap na ako ng lamig na tagos sa aking kalamnan. Natanaw na namin ng aking ina ang tulay na nagbabagtas sa aming subdivision, halos humalik palang ang tubig sa tulay. Laking pasasalamat namin na hindi pa lumalagpas ang tubig dito.

     Pagbalik namin sa bahay, binuksan ko muli ang telebisyon. Nakita ko ang kaliwa't kanang pagbaha sa Metro Manila. Naging isang napakalaking swimming pool ito na kulay kape. Sa Marikina River naman, walang tigil pa rin ang tubig sa pagragasa na parang nangangarerang kabayo ang bilis, walang humpay din ang pagtaas ng tubig dito. Sa recto, ang underpass ay nagmistulang aquarium na maitim ang tubig at ang mga bata ang naging isda, masayang masaya silang naliligo at nagtatampisaw dito. Hindi nila alintana ang mga sakit na maaari nilang makuha rito. Mayroon pa ngang lasing na tumalon doon, siya ay hinigop ng tubig hanggang sa siya ay mamatay.

     Ang mga tao naman sa evacuation center ay nagsisiksikan na parang rush hour sa MRT. Halos magkapalitan na sila ng mukha. Tila kinukurot-kurot naman ang kanilang mga sikmura sa gutom. Wala silang magawa kung hindi ang maghintay sa mga taong may mabubuting loob at sila'y tulungan.

     Ang mga artista at pulitiko naman ay nagpapabango sa mga tao matapos humupa ang mga pag-uulan at ang pagbabaha. Namimigay sila ng mga relief goods na tila Pasko at sila ang Santa Claus. Kitang kita naman ang tamis ng ngiti ng mga nasalanta matapos makatanggap nito.

     Para sa mga nabaha, naging multo sa kanila ang pag-uulan. Kaunting ulan pa lamang, kakabog-kabog na agad ang kanilang mga puso sa takot na maulit ang pag-baha. Matapos ang pangyayaring ito, natututo rin naman sila, pati na rin tayo. Kailangan nating maging handa at alerto dahil hindi talaga natin alam kung kailan tayo susubukin ng kalikasan.




No comments:

Post a Comment