Pitong Dahilan Kung Bakit Dapat Ipasa ang RH Bill


        Dapat lamang na ipasa na sa kongreso ang RH Bill. Bukod sa makabubuti ito sa ating ekonomiya, maraming kababaihan at mga kabataan ang mapoprotektahan.

        Ano nga ba ang RH Bill? Ang Reproductive Health Bill ay isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng serbisyong pangreproduktibo  para sa lahat, kabilang dito ang pagpaplano ng pamilya, contraceptives, sexual education at pag-aalagang maternal.

Bakit nga ba kailangan ng ipasa ang RH Bill? 1. Ito ang sagot sa ating problema sa mabilis na pagdami ng ating populasyon. Maraming mga bata ngayon ang hindi nakakapag-aral sapagkat salat sila sa buhay, hindi na kasi naiisip ng kanilang mga magulang ang kanilang mga kinabukasan sapagkat salat sila sa kaalamanan sa pagpaplano ng pamilya. Sa pamamagitan ng RH Bill, mamumulat ang kanilang mga mata at isipan sa responsible parenting. 2.Maiiwasan din ang maagang pagbubuntis ng mga babae, magkakaroon ng sex education sa mga eskwelahan at dahil dito matututo na ang mga kabataan na maging responsable sa kanilang katawan. 3. Nagagawa nito na protektahan ang kalusugan at buhay ng mga ina. (Likhaan Center for Women's Health Inc. 2011)  “Ayon sa WHO (World Health Organization), ang 15% ng pagbubuntis ay nauuwi sa komplikasyon na kayang magpaospital o pumatay sa babae. Mula lang sa higit 2 milyong pagluwal ng buhay na sanggol, may 300,000 komplikasyong nagaganap bawat taon. Ito’y 7 ulit na malaki sa nabilang ng DOH na nagka-TB, 19 ulit sa nagkasakit sa puso, at 20 ulit sa nagka-malaria na babae. Resulta, higit 11 babae ang walang saysay na namamatay bawat araw. Subok nang solusyon sa mga komplikasyong maternal ang sapat na dami ng bihasang tagapaanak, at maagap na pagdala sa ospital na may pang-emerhensyang pangangalaga sa buntis. Sa mga ayaw nang manganak, family planning (FP) ang pinakamahusay na paraan ng pag-iwas. Lahat ng 3 ito’y bahagi ng RH.” 4. Maiiwasan ang aborsyon. Taliwas sa sinasabi ng simbahang katoliko, ang RH Bill ay hindi pro-abortion, sa katunayan pa nga ito ay naglalayong maiwasan ang mga kaso ng aborsyon na dulot ng hindi planadong pagbubuntis. 5.Ito ay nagpapaunlad ng pamilya, gumagamit ng contraceptives ang mag-asawa kung hindi sila handang magkaanak o ayaw ng magkaanak pa. Umuunlad sila sapagkat hindi na madaragdagan ang kanilang responsibiliti, mas mapagtutuunan nila ng pansin at panahon ang kanilang mga naunang anak. 6. Mababawasan ang mga nagakakasakit ng kanser. Ang pagkapa sa suso at Pap smear ay bahagi ng RH Bill na makatutulong upang maagang matuklasan at malunasan ang kanser. 7. Kapag napatupad ang RH Bill, magtatalaga ang ating gobyerno ng mga pambublikong komodrona, nurse at doktor sa iba’t ibang komunidad sa Filipinas.

Wala akong nakikitang mali sa hangarin ng RH Bill. Karapatan natin na magdesisyon kung ilan ang gusto nating anak at kung kailan na natin ito pipigilan. Matupad man o hindi ang RH Bill, mayroon at mayroon pa rin namang gagamit ng mga contraceptives. Kaya bakit pa ito pipigilan?

1 comment: