Tamang Kasinungalingan

          Maagang gumising si Andelyn, unang araw kasi ng kanyang trabaho sa  Goldilocks Bakeshop noong ika-22 ng Setyembre taong 1992 bilang isang service crew sa food shop ng Shaw Boulevard branch, masigasig siyang nagtatrabaho. Masayang masaya siya  at nakatuon lamang ang kaniyang pag-iisip dito. Nais kasi niyang makatulong sa kanyang pamilya. Nagpapa-aral pa kasi siya ng kanyang bunsong kapatid na nasa kolehiyo na. Wala sa isip niya ang pag-ibig.

            Habang abala siya sa pagkakahera, mayroon siyang narinig na nagsasalita sa mikropono na tumatawag ng kostomer. Natatawa siya sapagkat hindi maganda ang pagbigkas nito ng numero. Parang bisaya raw ang punto nito. Ayaw na ayaw ni Andelyn sa mga ganoong klaseng lalaki. Naisip na niya ang itsura ng nagsasalita roon. Isa raw prubinsyano na maitim at mukang magsasaka. Dumating ang breaktime, tinanong niya ang isang lalaki kung sino ang tumatawag kanina  ng kostumer, sinabi niya na nakakatawa ito sapagkat bisaya ang punto. Sinabi ng lalaki na siya ang nagsasalita roon. Hiyang hiya si Andelyn ng malaman niya ito. Nagtawanan na lamang sila. Nalaman niya na Elias ang pangalan ng lalaki, Bong ang palayaw nito. Si Bong ay isa ngang prubinsyano, siya ay taga Bicol. Mali ang iniisip ni Andelyn sa kanya, hindi maitim at mukang prubinsyano si Bong, siya ay maputi, matipuno at singkit. Sa kaunting oras na ‘yon din sila nagkakilanlan ni Andelyn.


            Lagi na silang nagkakasabay ng breaktime ni Andelyn, hindi alam ni Andelyn na laging tinatanong ni Bong sa boss nila ang iskedyul ni Andelyn para lamang masabayan siya sa breaktime at pati na rin sa mga day off. Nagtatanong na rin ito kung maaari na siyang pumunta sa tahanan nila. Lagi namang umaayaw si Andelyn at nagdadahilan na malayo ang kanilang tahanan. Dahil doon, iniimbita na lamang siya ni Bong na kumain sa labas. Hindi pa rin ito pumapayag. Hindi naman sumuko si Bong sa kanya. Hanggang sa isang araw, pumayag na rin ito at naulit pa ito ng naulit. Matapos ang ilang buwan, nagtatanong na si Bong kay Andelyn kung maaari ba niya itong maging nobya. Binasted naman niya ito sapagkat hindi ito ang kanyang prayoriti sa buhay. Hindi naman tumigil sa panliligaw si Bong sa kanya. Hindi sya sinasagot nito sapagkat nais pa niyang punan ang kanyang mga obligasyon sa kaniyang pamilya.

            Hanggang sa isang araw, nagkaroon sila ng station meeting, nagdala si Andelyn ng bata na nakikitira sa kanila, ang bata ay iniwan sa kanila ng kanyang pinsan na nangibang bansa. Bago magmeeting lumapit si Bong sa kanya at nagtanong kung sino ang batang kanyang bitbit. Sinabi niya na anak niya ito. Nagulat naman si Bong at agad na nagtanong kung sino at nasaan ang ama ng kanyang batang dala sa meeting. Sinabi ni Andelyn na iniwan na siya ng ama nito. Lingid sa kaalaman ni Bong na isa lamang itong taktika ni Andelyn upang malaman kung maganda talaga ang intensyon nito sa kanya. Ganito palagi ang ginagawa niya sa kanyang mga manliligaw, ang iba kasi kapag nalaman na may anak na siya, bigla na lamang nagbabago ang trato at ang iba ay hindi na siya ginagalang.

            Kinabukasan, hindi nagbago ang pagtingin at trato ni Bong sa kanya. Hindi katulad ng ibang lalaki na kapag nalaman na mayroon ka ng anak, hindi kana rerespituhin, iba si Bong sa  kanyang mga nasubok na lalaki. At dahil doon, sinagot na siya ni Andelyn. Sa loob ng isang taon ng kanilang relasyon, hindi inamin  ni Andelyn na hindi niya anak ang batang dinala niya sa meeting.

            Isang Linggo, niyaya ni Bong si Andelyn na magsimba sa Quiapo. Pagkatapos ng misa, magbebendisyon na ang pari, lumapit sila sa altar at binigay ni Bong ang nais nya na pabindisyonang rosaryo, binigay niya ito kay Andelyn. Napansin ni Andelyn na mayroong singsing sa rosaryo, akala niya ay nais lang na pabindisyonan ni Bong ang singsing, iyon na pala ang kanyang proposal. Agad namang binigay ni Andelyn ang kanyang matamis na oo kay Bong.

            Kinausap na ni Bong ang mga magulang ni Andelyn , sinabi nito na nais na niyang pakasalan ang kanilang anak upang magkaroon na rin ng ama ang bata. Dito pa lamang inamin ni Andelyn na hindi niya naman talaga anak ang bata. Gulat na gulat si Bong sa kanyang nalaman. Sinabi ni Andelyn na nagsinungaling siya rito upang malaman niya kung mabuti talaga ang intesyon nito sa kanya. Matapos ang tatlong buwan, sila ay nagpakasal na.

            Sa ngayon, labing siyam na taon ng kasal at nag-iibigan sina Andelyn at Bong. Nagtatrabaho na si Bong bilang isang pastry chef sa isang luxury shipping line. Si Andelyn naman ay nasa bahay at binabantayan ang kanilang dalawang anak.

           

            

No comments:

Post a Comment